lunes. ordinaryong lunes.
mahirap sumakay ng taksi nung lunes, kasalanan kasi ni ate, leyt na siyang umalis ng bahay. bukod sa mahabang seremonyas na magayos, aba, masyado siyang nawili na magpeysbuk, magchat, magtwitter, maglahat-lahat na!
tumigil siya sa pagpara at tumingin sa orasan sa cellphone niya. may 30 minuto pa naman bago siya maleyt sa trabaho, 10 minuto lang naman ang biyahe papunta dun kaya di pa siya nagaalala. tumingin siya sa paligid. nabawasan na ang mga “kaagaw” niya sa pagabang at bukod dun, napunta na siya sa magandang pwesto - ang kanto.
kung ito ay kartuns (sa isip-isip niya) isa na akong chibi na humahalakhak. siguro naman ay makakasakay na ako.
kaso nagkamali siya at nilampasan siya ng isa, dalawa’t, tatlong taksi. alam niyang wala siyang balat sa pwet at lalong hindi naman siya nakalimot mag “sign of the cross” sa bawa’t dinaanan niyang tsapel at simbahan.
ang lupit mo lord! (sa isip-isip niya) ngayon lang to nangyari sa akin ah. grr!
makalipas ang ilang minuto ay nakasakay na rin siya sa wakas. hindi madaldal ung drayber (awa ng dyos!), wala namang amoy (di tulad nung isang linggo kung kailan nakatiyempo siya ng taksing amoy putok sa loob), at higit sa lahat ay malamig. sumandal siya at nagrelaks pero hindi pa nakakalayo ay nabasag ang katahimikan sa loob ng taksi na maayos.
lintek (sa isip-isip niya) ano ung parang gripong natulo?
napatingin siya sa hi-tek na metro. parang gripo ngang natulo - natulo ang pawis niya sa bawat patak ng piso sa metro! hindi naman trapik at mabilis ang takbo ng taksi, umaasa si ate na ganun pa rin ang babayaran niya. matalas ang tingin niya sa metro at sumimangot. nagalala siya na baka wala siyang eksaktong bayad, aba, mahirap nga naman, baka sabihin sa kanya ng drayber na wala itong panukli sa kanya.
sa kanto lang po.
inabot niya ang bayad sa drayber.
mabilis po ang metro niyo.
may resibo po to, kung nagrereklamo kayo, eto, may resibo.
hindi ako nagrereklamo, sinasabi ko lang sa iyo.
sabay baba ang mataray na ate. nainis sa limang pisong dinagdag niya sa regular niyang pamasahe.